CSU-Gonzaga Nakikiisa sa Pagbubukas ng Pista 2026 ng Bayan ng Gonzaga
Published August 15, 2026 by Campus Information Office


uploads/news/775036985_1064049886024676_7827396940951073337_n.jpg

Aktibong nakilahok ang pamunuan at buong Tangkiran community ng Cagayan State University–Gonzaga sa opisyal na pagbubukas ng Pista 2026 ng Bayan ng Gonzaga nitong Agosto 15, bilang pagpapakita ng pakikiisa at suporta sa mga programa, adhikain, at gawaing pangkultura ng lokal na pamahalaan.

Pinangunahan ni CEO Dr. Froilan A. Pacris, Jr. ang delegasyon ng CSU-Gonzaga, kasama ang mga dekano, opisyal, faculty members, at administrative personnel ng kampus. Sa pamamagitan ng kanilang aktibong pakikilahok, ipinakita ng pamantasan ang patuloy nitong suporta sa mga inisyatiba ng Pamahalaang Bayan ng Gonzaga, partikular sa pagsusulong, pagpapahalaga, at pagpapanatili ng mayamang kultura at tradisyon ng bayan.

Hindi lamang sa pagbubukas ng pista nakilahok ang Tangkiran community. Naging bahagi rin ng Gabi ng mga Kaguruan ang mga kinatawan ng paaralan nitong Agosto 16, kung saan ipinamalas ng mga kawani at empleyado ang kanilang talento at husay sa mga tampok na patimpalak.

Nagkamit ng 1st Runner-Up ang mga kawani ng CSU-Gonzaga sa Folk Dance Competition, habang itinanghal din silang Best in Costume and Props bilang special award. Ipinakita ng kanilang pagtatanghal ang malikhaing pagsasama ng sining, kultura, at pagkakaisa ng komunidad ng Tangkiran.
Samantala, muling ipinamalas ng Tangkiran Band ang kanilang talento sa musika matapos makamit ang 1st Runner-Up sa Battle of the Bands, isa sa mga tampok na kompetisyon ng nasabing gabi.

Ang matagumpay na pakikilahok ng CSU-Gonzaga sa Pista 2026 ay patunay ng matibay na ugnayan ng pamantasan at ng lokal na pamahalaan, gayundin ng aktibong pakikiisa ng Tangkiran community sa mga gawaing nagtataguyod ng kultura, talento, at pagkakakilanlan ng mga Gonzagueños.

Photo credits: CSU-Gonzaga Paragon

SHARE ON: