Bumisita sa Cagayan State University Gonzaga ang bagong talagang Regional Executive Director ng DENR Region 2 na si Dr. Gwendolyn C. Bambalan noong July 21-22, 2020 upang personal na makita ang mga proyekto ng CSU Gonzaga na sinuportahan at pinondohan ng DENR Region 2.
Sa unang araw ng kanyang pagbisita, nagbigay ng status report ang mga lider ng mga pangunahing proyektong pangkalikasan ng CSU Gonzaga. Kabilang dito ang: 1. Establishment, Restoration, Maintenance and Protection of Nipa Stands for Bio-Ethanol Production and Climate change Mitigation, 2. Community Empowerment through Science, Technology, Education, Environmental Protection and Health (CESTEEPH) : A Community-Based Program for the Conservation, Rehabilitation and Sustainable Utilization of Mangrove Ecosystem in Gonzaga, Cagayan, 3. Kawayan sa Bawat Tahanan, at 3. Bamboo Sanctuary. Ipinakita rin ni Dr. Froilan A. Pacris Jr., CEO ng CSU Gonzaga ang kanyang project proposal na tinawag na Large-Scale Propagation, Distribution and Planting of Giant Bamboo, Spiny Bamboo, and Machiku for the Rehabilitation of Denuded Forest, Agro-Forest, and Coastal Zones for Food, Livelihood and Income.
Samantala, kasama sina Provincial Environment and Natural Resources Officer Atty. Ismael T. Manaligod, Community Environment and Natural Resources Officer Aida S. Adap, CSU President Urdujah A. Tejada at ang CSU Gonzaga team na pinamunuan ni CEO Pacris, nagtungo si RED Bambalan sa Sta. Ana, Cagayan umaga ng July 22, 2020 upang personal na iabot sa Pasiguit Fisherfolk Association ang tseke na nagkakahalagang 400,000 bilang insentibo sa kanilang pagtatanim at pag-aalaga sa 125, 000 nipa propagules na itinanim sa 50 ektaryang rehabilitation site sa barangay San Vicente, Sta. Ana, Cagayan sa ilalim ng programang
Establishment, Restoration, Maintenance and Protection of Nipa Stands for Bio-Ethanol Production and Climate change Mitigation.
Sa kanyang mensahe, inihayag ni RED Bambalan ang kanyang pasasalamat sa CSU sa pamumuno ni President Tejada sa pagpaparating nito sa komunidad ng tulong mula sa kanilang ahensiya sa pamamagitan ng nabanggit na proyekto. Hinikayat rin niya ang mga miyembro ng Pasiguit Fisherfolk Association na patuloy na pangalagaan hindi lamang ang kabakawanan kundi pati ang kabundukan upang maiwasan ang mabigat na sakuna.
Nagpasalamat naman ang presidente ng Pasiguit Fisherfolk Association na si Mr. Jaime Yosores sa CSU Gonzaga at sa DENR sa pagpili sa kanilang organisasyon bilang partner sa pagpapatupad ng programa. Ayon sa kaniya, malaking tulong ang proyekto sa kanilang hanay lalo na at sa loob ng isang taon ay anim na buwan lang silang puwedeng mangisda at anim na buwan silang walang pagkakakitaan. Aniya, malaking tulong sa kanila ang programa ng CSU at DENR at nakita nila ito bilang sagot sa kanilang pangangailangan. Nakikita umano nila na ang programa ay hindi panandalian at maging ang kanilang kaapo-apohan ay makikinabang dito. Ayon kay Mr. Yosores, malaking tulong ang proyekto upang maagapan ang pagkaubos ng mga isda at patuloy na magkaroon ng kabuhayan ang mga mangingisda.
"Ang pangarap ng Pasiguit Fisherfolk Association ay maisalba ang kalikasan. Biyaya ng Diyos na unti-unti ay bumabalik ang isda sa aming lugar," wika ni Mr. Yosores.
Nanawagan din si Mr. Yosores sa kanyang mga kapwa mangingisda na patuloy na alagaan ang kalikasan upang hindi patuloy na maubos ang mga isda sa kanilang lugar at hindi matulad sa ibang lugar na sa libro na lang makikita ang mga isda.
Pinuri naman ni President Tejada ang CSU-Gonzaga sa mabilis nitong pagsasakatuparan sa mga layunin ng proyekto at nangako sa kanyang patuloy na pagsuporta sa programa sa tulong na rin ng DENR.